112

Jul 25, 2018 @ 14:45
By

Ukay-ukay, segunda manong trak, nasabat ng BOC

Kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang 11 na kargamento ng mga ukay-ukay at segunda manong dump truck mula China sa Sasa Wharf at Davao International Container Terminal sa Davao City.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, sinamsam nila ang mga kargamento dahil sa misdeclaration at kawalan ng import permit.

Sampung shipment ay naglalaman ng mga ukay-ukay na nagkakahalaga ng P17.8 milyon na naka-consign sa Zainar Merchandising, Al-Shaeer Enterprises, Suluans General Merchandising at Mourpling Trading.

Base umano sa import documents ng mga consignee, ang mga shipment ay idineklara bilang bedsheet, kumot, sapatos, bag at stuffed toys, pero nadiskubreng naglalaman pala ng mga ukay-ukay o lumang damit.

Sa ilalim ng Republic Act 4653, kasama sa mga ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga ukay-ukay.

Ayon pa sa BOC, nilabag din ng mga consignee ang Section 1400 (Misdeclaration, Misclassification, Undervaluation in Goods Declaration) in relation to Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Samantala, kinumpiska naman dahil sa kawalan ng import permit at misdeclaration ang shipment na naka-consign sa Fullwon Philippines Ent. Ltd. Incorporated na dumating sa Port of Davao noong Hunyo 13.

Idineklara ang kargamento bilang crushing machine, conveyor belt, electric generator, steel ball, wire, screening machine at mine tractor, pero nang inspeksyunin, bukod sa mga idineklarang produkto, nadiskubre na naglalaman din ang shipment ng isang unit ng segunda manong dump truck na nagkakahalaga ng P700,000.

Nabatid na nag-isyu na si District Collector Atty. Romalino Valdez ng warrant of seizure and detention dahil sa paglabag ng consignee sa Executive Order 877-A, series of 2010 o Comprehensive Motor Development Program at Section 1113 ng CMTA. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?