29

Feb 11, 2021 @ 9:22

UK variant case na taga-Cebu, natunton sa QC

Ang 35-anyos na residente ng Liloan, Cebu na nagpositibo sa B.1.1.7 variant ng coronavirus ay naka-quarantine pala sa isang apartment sa Riverside, Barangay Commonwealth sa Quezon City kasama ang isang indibidwal.

Kaya naman, sa isang press release ngayong araw, sinabi ng QC government na magsasagawa ito ng contact tracing at COVID-19 testing sa nasabing komunidad.

Sabi ng lokal na gobyerno, ang lalaki ay dating overseas Filipino worker sa Korea na umuwi sa Pilipinas noong Agosto 2020 at nanatili sa Cebu.

Noong Nobyembre 17, 2020 ay lumipat ito sa Sucat, Paranaque at madalas siyang pumupunta sa isang manning agency sa Malate, Maynila.

Ang huling bisita niya sa agency ay noong Enero 14, matapos makatiyak ng isa pang overseas placement.

Habang naghihintay na ma-deploy ay nanatili siya sa isang hotel sa Maynila, Enero 17. Sa parehong araw ay sumailalim siya sa swab test sa Pasay.

Kinabukasan ay pinabatid sa kanyang nagpositibo siya sa COVID-19. Nanatili siya sa parehong hotel hanggang noong Enero 21, matapos siyang i-book ng kanyang agency ng isang ride-hailing app at ilipat sa isang apartment sa Riverside.

Pebrero 5, napag-alaman na nahawa ang residente sa UK variant ng coronavirus. Pebrero 8, nakaranas ng ubo ang lalaki. Pebrero 10, nag-arrange ng bagong swab test ang kanyang ahensiya. Na-swab test din ang kasama niya sa apartment.

Kahapon, Pebrero 10, lang nalaman ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) mula sa Department of Health (DOH) na nagpositibo ang lalaki sa UK variant.

“We want to make sure that nobody was infected with Covid-19, especially by the much more contagious B.1.1.7 variant. We are acting very quickly to isolate the two, and to conduct extensive contact tracing and testing in the area. It is unfortunate that we learned about this only now,” wika ni Mayor Joy Belmonte sa press release, Pebrero 11.

Sa ngayon, inaalam ng alkalde kung dapat bang managot ang manning agency sa hindi pagsunod sa health protocol.

“This agency placed an entire community at risk by bringing a Covid-19 positive patient to our city, considering that both their agency and the quarantine hotel are in Manila,” dagdag niya.

Umaapela rin si Belmonte sa Bureau of Quarantine para matukoy kung bakit pinalabas ng hotel ang lalaki sa agency nito ilang araw matapos magpositibo sa sakit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?