41

Ubial sibak sa CA

Ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial.
Dahil dito, awtomatiko na siyang tanggal sa pwesto.

Ayon kay Senator Gregorio Honasan, chairman ng Health Committee ng CA, 13 senador at konggresista ang bumoto laban sa kumpirmasyon ni Ubial.

Alinsunod sa rules ng CA, ginanap ang secret balloting sa executive session kung saan itinigil ang pagbilang nung magkaroon na ng 13 boto laban sa kalihim.

Naging isyu laban kay Ubial ang 15 foreign trips nito na mula noong Agosto 2016. Kinuwestyon ito ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III dahil may mga biyahe umano na pinondohan ng international organizations na may kaugnayan sa mga kumpanya na interesadong mag-suplay dito sa bansa ng gamot at contraceptives.

Pinuna rin dito ang umano ay pagsama ng pamilya ni Ubial sa official trips nito. Ikinatwiran ni Ubial na siya ang nagbayad sa gastos sa abroad ng anak na kaniyang isinama at ginawa ring consultant sa Department of Health sa loob ng dalawang buwan.

Kinuwestyon din ang pagsibak at pagpapatalaga ni Ubial ng president at chief executive officer (CEO) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kapangyarihan umano ng Pangulo ng bansa na magtalaga ng pinuno ng PhilHealth pero sa pangunguna ni Ubial sa PhilHealth Board, sila ang nagtalaga ng president at CEO nito.

Ikalima na si Ubial sa mga myembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinipa ng CA.

Ibinasura rin ng kumisyon ang ad interim appointment nina dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., dating Environment Secretary Regina Lopez, dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano. (Sherlock Homes)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?