71

Dec 11, 2017 @ 16:35
By

Ubial na-pressure sa Dengvaxia vaccine

Napilitan lang umano si dating Health Secretary Paulyn Ubial na ipagpatuloy ang dengue vaccination program na pinasimulan ni dating Secretary Janette Garin.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Ubial na unang araw pa lang ng pag-upo niya bilang kalihim, iba’t ibang grupo na ang nangulit sa kaniya para ituloy ang programa dahil parating na ang ikalawa at ikatlong batch ng delivery ng bakuna.

Kahit aniya mga konggresista, tinakot pa siya na makukulong kapag hindi sinunod ang kontrata sa supplier ng bakuna na Sanofi Pasteur.

Noong Marso 2016, ipinatigil ni Ubial ang vaccination program dahil nakita nya na minadali ang programa, hindi siguradong ligtas ang bakuna, malapit na ang eleksyon at masyadong marami ang balak bakunahan.

Pero noong Setyembre, inaprubahan niya ito at ipinatuloy na ang pagbabakuna.

Wala umano siyang magawa noon kundi ituloy ang programa dahil “damage control” na sila sa DOH bunsod ng mga isyu sa ahensya.

“It was very difficult for me to implement this. I want to stop that but people in Congress said I will go to jail if we stop because there’s already a contract,” ani Ubial.

“If you mix politics and health, it’s really a disaster,” dagdag nito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?