17

Jan 14, 2021 @ 14:40
By

UAE inirekomendang isama sa mga travel restriction dahil sa bagong COVID variant

Inirekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na isama na rin sa listahan ng mga bansang may travel ban ang United Arab Emirates (UAE) matapos magpositibo sa UK COVID variant ang isang Pilipinong nanggaling sa Dubai noong nakalipas na linggo.

Sa Laging Handa press briefing,sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na isinama na niya ang UAE sa travel restriction at hihintayin na lamang ang pag-apruba ng Presidente.

“Atin pong inirekomenda ang pagsama sa UAE sa atin pong listahan ng mayroong travel restrictions sa mga bansa na mayroong UK variant ng COVID-19,” ani Duque.

Sinabi ng kalihim na pag-uusapan nila sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kung kinakailangang i-extend ang travel ban na magtatapos ngayong Enero15, 2021.

Dalawampu’t anim na bansa ang inilagay ng gobyerno sa travel restrictions matapos makitaan ang mga ito ng UK COVID variant.

“Pag-uusapan sa IATF kung kinakailangan pang magkaroon ng extension itong ating two week travel ban beyond January 15,” dagdag ni Duque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?