26

Jan 12, 2022 @ 13:39
By

TWG binuo para plantsahin panukalang reorganization ng PhilHealth

Bumuo ng technical working group (TWG) ang House Committee on Health upang pag-aralan at palakasin ang panukalang reorganization sa management ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang mas maging epektibo ito sa pagganap sa kanilang mandato.

Inaprubahan ng chairperson ng komite na si Quezon Rep. Helen Tan ang mosyon na bumuo ng TWG sa pagdinig ng komite noong Martes sa kabila ng pagtutol ni PhilHealth President Dante Gierran sa panukala.

Ayon kay Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, may-akda ng House Bill 7429 layunin ng panukala na pagandahin ang operasyon at management ng PhilHealth sa gitna ng paulit-ulit na problemang kinakaharap nito na nauuwi sa pagbabanta ng mga pribadong ospital.

Sa ilalim ng panukala ay maaaring kunin ang serbisyo ng pribadong sektor upang malaman ang mga sanhi ng problema ng ahensya at masolusyunan ito.

“Aayusin nila ang sistema at ite-train ang mga empleyado. Maraming talented individuals sa private sector ang capable of managing health insurance programs pero hindi sila mag-a-apply individually sa PhilHealth dahil sa bigat ng problema at mababa ang sweldo,” sabi ni Quimbo.

Itatayo rin ng panukala ang Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission na babalangkas ng framework sa gagawing reporma.

Samantala, sinabi ni Gierran na hindi na kailangan ang panukala dahil nagpapatupad na ng reporma sa PhilHealth ang Governance Commission for GOCCs (GCG).

“The GCG has already introduced refinements in the organizational set-up and functional dimensions of two critical offices at PhilHealth, namely, the Office of Actuary and the Arbitration Office,” sabi ni Gierran.

Nakasaad din umano sa Universal Health Care Act at Government Procurement Reform Act ang reorganization ng PhilHealth.

Hindi na rin umano kailangan ang Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission dahil sa ilalim ng Universal Health Care law ay mayroon ng Joint Congressional Oversight Committee.

Ipinunto naman ni Quimno na mismong si Atty. Carla Murcia ng GCG ang umamin na wala silang eksperto para sa health insurance.

“Long overdue na ang reporma ng PhilHealth. Bigyan na natin ng sapat ng proteksyon ang Pilipino laban sa matinding gastusin dala ng pagkakasakit,” giit ni Quimbo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?