33

Jan 10, 2022 @ 19:28
By

Turukan, booster shot sa probinsya pinamamadali

Dapat bilisan ang vaccination rollout pati na ang pagbibigay ng booster shot sa mga lugar na nasa labas ng Metro Manila para mapigilan ang lalo pang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni National Task Force Against COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa kasunod ng mataas na antas ng hawaan sa Metro Manila at iba pang lalawigan dulot ng Omicron virus.

Sinabi ni Herbosa na bagama’t mataas ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19, mild lamang ang symptoms dahil mayorya sa mga ito ay fully vaccinated na.

Dahil dito, mahalaga aniyang mapaigting ang pagbabakuna at pagbibigay ng booster shots sa mga lalawigan at rehiyong kailangang-kailangan ang mga bakuna.

“Tuloy-tuloy po iyong pag-akyat ng mga numero kaya nananawagan kami sa mga lokal na pamahalaan sa labas ng NCR na pabilisin talaga iyong pagbibigay ng booster, ng second dose at first dose,” ani Herbosa.

Mahigit 202 million na aniya ang dumating na supply ng bakuna sa bansa at kalahati nito ay naibakuna na sa mamamayan.

“Ang numero natin ngayon ay mga 51 million Filipinos na ang fully vaccinated, 2.8 million ay mayroon nang booster. Pero mayroon tayong 57 million na one dose pa lang ang natatanggap. Mayroon pa tayong 60 million Filipinos na hindi vaccinated,” dagdag ni Herbosa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?