52

Oct 8, 2017 @ 16:56

Turuan ang mga estudyanteng sumipat ng fake news

Naniniwala ang isang paring Katoliko na malaki ang partisipasyon ng mga guro para magabayan ang mga kabataan sa pagsala ng mga fake news o maling impormasyon na lumalabas sa social media at sa mga balita.

Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY), makabubuti para sa mga kabataan kung sila ay matuturuan ng mga guro sa pagsipat ng mga balitang naglalaman ng maling impormasyon.

Malaki umano ang impluwensya ng mga guro para ang mga kabataan ay maging kritikal at hindi mabilis na maniniwala sa mga nababasa, napapanood at naririnig.

“Marami po sa atin sa Pilipinas ang mayroong access to means, tool to access technology not to be swayed to believe immediately news that will compromise national security, privacy and security of individual person or group dapat maging responsable ang mga naglalabas ng balita at meron ding pag iingat yung mga nakababasa at nakaririnig ng balita,” saad ni Fr. Garganta.

Kung magiging mapanuri umano ang mga kabataan, maiiwasang maipasa o maikalat ang mga fake news.

Matatandaan na kamakailan lamang, maging ang Santo Papa ay nagpasya na ring manindigan laban sa paglaganap ng fake news at katunayan, ito pa ang napili niyang tema para sa World Communications Day 2018 na gaganapin sa May 13, 2018.

“I have chosen this theme for World Communications Day 2018: “The truth will set you free” (Jn 8:32). Fake news and journalism for peace,” saad ni Pope Francis sa kanyang twitter account.

Ayon sa Vatican, mahalaga ang isyung napili ng Santo Papa dahil ang mga fake news ay isa sa nagiging dahilan ng matinding pagkakahati-hati. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?