62

May 3, 2020 @ 14:48
By

Turista bawal pa rin sa Baguio

“Dream now, travel later” ang payo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga indibidwal na sabik nang pumunta sa lungsod.

Kahit kasi aniya dahan-dahan na nilang aalisin ang enhanced community quarantine (ECQ) ay hindi pa rin papapasukin doon ang mga turista, maging ang mga uuwing residente.

“Dream now, travel later na lang po muna sila,” sambit ni Magalong sa DZMM, Linggo.

“Hindi pa ho namin papayagan. Meron kaming transition plan para sa ECQ. ‘Di po namin papayagan na basta-basta aakyat mga turista dito, pati returning residents,” wika niya pa.

Ang Baguio, na karaniwang tourist spot sa tag-init, ay nalulugi na aniya ng P38 milyong kita sa kada buwan ng lockdown, pero tiniyak ng alkalde na may pondo sila para sa transportation sector at micro, small and medium enterprises.

“Malaki po ang impact. Kung ikukumpara n’yo po last year, February to May, malaki talaga ang aming tourism gross receipt: P1.4 trillion last year. Ngayon ho talagang napakaliit,” saad ni Magalong.

“May standby fund na P150 million … We have enough to cover us for the next 4 months,” dagdag niya.

Sa ngayon, may 30 kumpirmadong kaso na aniya ng COVID-19 sa lungsod, kabilang ang 14 gumaling at 1 pumanaw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?