199

Jan 16, 2020 @ 14:27
By

Turismo sa Tagaytay, lumubha dahil sa pagsabog ng Taal – Tolentino

Halos isang daang porsiyento umanong naapektuhan ang turismo sa Tagaytay City bunsod ng pagsabog ng bulkang Taal, ayon kay Senador Francis Tolentino.

“100%, affected kasi sarado lahat ng restaurants, ‘yung mga karinderya lang ang bukas. Sarado hotels,” pahayag ni Tolentino sa panayam ng mga reporter sa idinaos na Tagaytay Tourism Interagency meeting.

Nakadagdag pa umano sa pagkalito ay ang memorandum na inilabas ng Department of Tourism (DOT) sa mga tourism council ng lungsod na huwag tumanggap ng bisita hangga’t nasa Alert Level 4 ang Taal.

“Kaya minarapat natin magkaroon ng emergency meeting yung Tagaytay Tourism Council para sila mismo magkaroon sila ng hindi lang ng idea kung anong nangyayari,” sabi ni Tolentino.

“Maging isang boses kung ano ba dapat na susunod na hakbang na gawin para sa mga empleyado nila, para sa mga naka-book na events, para sa mga naka-book na customers nila, maraming malulugi e,” sambit pa ng dating alkalde ng Tagaytay City.

Kaugnay nito, inihayag din ni Tolentino na hindi na kasama ang mga residente na nakatira sa Tagaytay City ridge dahil sa bantang ng muling pagsabog ng Taal.

“Kausap ko si (Interior) Secretary Año, ‘yung announcement ngayon sa diyaryo, ‘di na kasama ang Tagaytay,” samba pa ng senador.

Nakiusap din ang senador sa mga restaurant owner na iimbentaryo ang kanilang suplay at para hindi masira, mas mainam na ipamigay na lang sa mga evacuation para mapakinabangan.

“Yung sobra po na sa halip na masira, na mapanis, pwede pa naman, ‘yung mga imbentaryo nila na breads, kahit ‘yung mga sausages, i-donate na sa mga evacuation centers, pumayag naman sila.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?