43

Mar 9, 2020 @ 15:58
By

Turismo babagsak dahil sa COVID-19

Bilyong piso ang mawala sa industriya ng turismo ng Pilipinas kung patuloy na bababa ang bilang ng mga turista sa bansa sa gitna ng banta ng pagkalat ng coronovirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pagdinig sa Senado, Marso 9, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosamarie Edillion na maaring bumaba ang kita ng gobyerno sa turismo sa P93 bilyon mula sa dating P187 bilyon.

“This goes on until June then we’re looking at reduction in tourist arrivals of 1.42 million and then ‘yung foregone GVA (gross value added) is P93 to 187 billion,” ani Edillion.

Bukod diyan, mahigit sa 30,000 hanggang 50,000 din ang mawawalan ng trabaho dahil sa banta ng COVID-19.

Sabi pa ng kalihim, bababa rin sa 5.5% hanggang 6.5% ang target para sa Gross Domestic Product (GDP) kumpara sa naunang target na 6.5% hanggang 7.5% ngayong 2020.

Nilinaw naman ni Senador Imee Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs, hindi lang 30,000 hanggang 50,000 ang mawawalan ng trabaho kundi aabot ito sa 250,000 kung patuloy na lalala ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Ito’y batay aniya sa datos na ipinalabas ng Asia Development Bank.

“Huwag natin minamasahe ‘yung mga numero,” ani Marcos, kung saan ang maapektuhan ay iyong mga manggagawa sa mga pabrika at economic zone.

Samantala, humihingi naman ng tulong ang aviation sector sa gobyerno na kanselahin ang travel tax at navigational charges sa gitna ng ipinapatupad ng travel ban ng pamahalaan.

Ayon kay Air Carriers Association of the Philippines executive director Atty. Roberto Lim, ang local airline industry ay nagbabayad ng P500 kada buwan para sa navigational, landing, at take off charges na umaabot sa P6 bilyon kada taon.

Sabi ni Lim, mahigit sa 32 ruta na ang kanilang pinutol na nagresulta sa kasenlasyon ng mahigit 8,000 local at international flight.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?