113

By

Tungtungan nag-collapse: Construction worker nahulog sa 16th floor

Patay ang isang 28-anyos na construction worker nang mahulog sa ika-16 na palapag na gusali sa Barangay San Lorenzo, Makati City.

Hindi na umabot ng buhay sa Makati Medical Center ang biktimang si Allan Casul 28, isang steel man at residente ng Penafrancia, Antipolo City makaraang magtamo ng matinding pinsala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police dakong alas-11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa 16th floor BPO Building Processing Office 1 na matatagpuan sa Edsa corner Ayala Avenue, Barangay Lorenzo, Makati City.

Lumalabas sa imbestigasyon, tumuntong ang biktima sa isang plastic board at ito ay bumigay hanggang sa dumausdos pababa hanggang bumagsak sa ground floor nang nasabing gusali.

Agad naman isinugod ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa trabaho sa nasabing pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ni Dr. Bea Gaviola sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo nito.

Sinasabing marupok na ang pinagtungtungan na plastic board ng biktima kaya posibleng bumigay ito.

Sa ngayon ay patuloy pa rin nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa naganap na insidente.

Habang ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes at isasailalim sa awtopsiya upang masigurong walang naganap na foul play sa pagkakahulog nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?