36

By

Tunay na lider ng minorya, tinalakay sa Korte Suprema

Sharing is caring!

Nakarating na sa Korte Suprema ang isyu kaugnay ng minority leadership sa Kamara de Representantes.

Ito ay makaraang maghain ng petisyon sa Korte Suprema si Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas at ang kanyang mga kaalyadong mamambabatas na kumukwestiyon sa pagiging minority leader ni Quezon City Representative Danilo Suarez.

Sa 44-pahinang petition for certiorari, hiniling ng grupo ni Fariñas na kilalanin bilang minority leader si ABS Partylist Representative Eugene de Vera.

Tinalikuran na raw kasi ng grupo ni Suarez ang minorya nang sila ay bumoto sa pagiging House Speaker ni Dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo.

Katunayan, maging si Suarez ay bumoto umano para kay Arroyo.

Nakasaad umano sa House Rule II, Section 8 na ang mga miyembro ng Kamara na bumoto sa nanalong kandidato para sa pagiging Speaker ang bubuo ng mayorya at maghahalal ng majority leader.

Dahil dito, naniniwala si Fariñas na nakagawa ng pagmamalabis o grave abuse of discretion sina Arroyo at House Majority Leader Rolando Andaya dahil sa patuloy na pagkilala kay Suarez bilang minority leader.

“In recognizing, and continuing to recognize, Respondent Suarez as the Minority Leader in the HOR, and refusing to recognize Petitioner De Vera as such Minority Leader, Respondents GMA and Andaya have committed grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction by unlawfully excluding, and continuing to unlawfully exclude, Petitioner De Vera from the full exercise of his mandate and those of his co-Petitioners as the duly constituted Minority,” ang nakasaad sa petisyon.

Inihihirit din ng grupo ni Fariñas na magpalabas ang Korte Suprema ng status quo ante order para maibalik ang sitwasyon sa Kamara de Representantes sa panahong bago maging speaker si Arroyo, at ng temporary restraining order laban sa patuloy na pagkilala ng mga respondent kay Suarez bilang minority leader.

Pinalanganang respondent sa petisyon sina Suarez, Arroyo at Andaya.

Bukod kay Fariñas, kasama rin sa mga petitioner sina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Isabela Rep. Rodolfo Albano III, Pampanga Rep. Juan Pablo Bondoc, Makati City Rep. Manuel Del Rosario, Compostela Valley Rep. Ruwel Peter Gonzaga, Southern Leyte Rep. Roger Mercado, Lanao del Sur Rep. Mauyag Papandayan Jr., Leyte Rep. Lucy Gomez, LPGMA Partylist Rep. Arnel Ty, at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?