99

Dec 18, 2017 @ 18:33
By

Tumangging mag-shabu uli, drug user kinatay ng pusher

Hindi na nabigyan pa ng pagkakataon na tuluyan nang makapagbagong-buhay ang isang dating drug user matapos na walang habas na pagbabarilin ng isang tulak ng ipinagbabawal na gamot sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Malabon City Police, alas-4:40 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng Tugatog Cemetery kung saan kasalukuyan umanong naglalakad ang biktimang si Rogelio Sta. Maria, 49-anyos, ng Tumariz Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.

Hinarang siya ng isang nakilala lamang sa alyas Bitog, na kilala umanong kilabot na tulak ng iligal na droga sa kanilang lugar at dati na rin umanong kinukunan ng shabu ng biktima noong hindi pa nakakapagbagong-buhay.

Bigla na lamang na pinagbabaril ng suspek ang biktima na hindi tinantanan hangga’t hindi napapatay.

Napag-alaman na mahigit isang taon nang sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima at mula noon ay hindi na ito bumalik pa sa bisyo.

Kamakailan lang ay hinihikayat umano ito ng suspek na bumalik sa pagdodroga ngunit kahit anong pilit umano ni Bitog ay hindi na talaga muling nag-adik pa ang biktima.

Bagay na labis umanong ikinagalit ng suspek na humantong sa kanyang pananambang sa biktima. Sa ngayon ay tinutugis na ang suspek. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?