65

May 16, 2020 @ 15:37
By

Tumanggi sa grasya: 17-anyos ayaw palagyan ng ads ang viral website

Hindi nasilaw ng $8 milyon o mahigit P400 milyon ang isang high school student para mapanatiling malinis sa mga advertisement ang sikat niyang coronavirus-tracking website.

Sa ulat ng Business Insider, pinaliwanag ni Avi Schiffmann, isang teenager na taga-Washington state, kung bakit ayaw niyang palagyan ng ads ang kanyang site na may mahigit 30 milyong bisita kada araw.

Plano raw niyang isara ang website kapag natapos na ang pandemic at gagawa ng page na magkukumpara sa COVID-19 sa SARS o Spanish flu.

Madalas umanong may bagong pakulo sa kanyang website si Schiffmann gaya ng survival rate calculator.

Dahil sa pagiging popular ng dashboard kaya inuulan din si Schiffmann ng mga alok para magpalagay ng ad sa kanyang website.

Pero giit niya, hindi ang kumita ang layon ng kanyang website.

“I’m only 17, I don’t need $8 million…I don’t want to be a profiteer,” aniya.

Paliwanag pa niya, ayaw niyang masira ng mga popups ang UI ng site.

Ayaw din niyang maobliga ng kontrata para trabahuhin ang site o sumunod sa anumang pagbabago rito na hindi niya gusto.

Lalo na aniya, alam niyang hindi lahat ng bumibisita sa site niya ay may mabilis na internet connection. Mapapabagal daw ng mga ads ang site niya.

Sa kabila rin daw na inalok siya ng trabaho ng Microsoft ay tinanggihan niya rin ito dahil mas gusto niyang bumuo ng sarili niyang mga proyekto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?