spy-on-the-job-rey-marfil
By

Tumalab kaya ang MOU sa Kuwait?

Sharing is caring!

Maraming hikahos ng ating kababayan mga tsong na walang nakikitang pag-asa na guminhawa sa Pilipinas ang malamang na napatalon sa tuwa nang ibalita na inalis na ng pamahalaan ang deployment ban para sa mga OFW sa Kuwait.

Sa totoo lang, dapat na palakpakan pero walang halong hiyawan ang mga tao o opisyal na namagitan sa Pilipinas at Kuwait para maituloy ang pagbuo ng memorandum of understan­ding, o ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksiyon sa kababayan nating OFW na nagtatrabaho sa Kuwait, lalo na ang mga household service worker, ang pinabonggang tawag sa mga domestic helper.

Kung matatandaan ninyo, muntik pang mapurnada ang pirmahan ng kasunduan nang magalit ang Kuwait sa paglabas ng maaksiyong video na mula sa Department of Foreign Affairs habang ‘sinasagip’ [sinundo sa mga bahay ng kanilang pinagtatrabahuhan] ang ilang nagipit o minamaltrato raw nating kababayan.

Puna ng ilan nating kurimaw na mahilig manood ng mga viral video, wala namang masama at dapat pa nga namang purihin ang mga nasa likod ng pagsagip sa mga OFW. Iyon nga lang, may mga nagtatanong din kung kailangan pa bang i-upload sa social media ang video?

Bakit? Para saan? May gusto bang magpasikat? At hanggang ngayon, wala pang balita kung sino ang magaling na nagbigay ng pahintulot na ilabas sa social media ang video na nakuha rin ng mainstream media.

Ang resulta, nagalit ang pamahalaan ng Kuwait, pinatalsik ang ating embahador at muntik pang makasuhan ng kidnapping ang kababayan natin na nasa likod ng ginawang pagliligtas sa nagipit daw na mga OFW.

Mabuti na lang at may mga opisyal na mahinahong mag-isip at ang iniisip ay ang kapaka­nan ng mga OFW at gustong mag-OFW sa Kuwait. Hindi gaya ng isang mataas na opisyal na gustong tapatan ng a­ngas ang galit ng Kuwait, may ibang kinatawan ng Pilipinas na tahimik na nagtrabaho para matuloy ang pirmahan ng MOU at nakaiwas pa sa asunto ang mga Pinoy na kasama sa ‘rescue’ mission.

Ang nakakatawa, nang mapirmahan na ang MOU, aba’y ang maa­ngas na opisyal pa ang naunang naglabas ng press statement at may pa-video pa sa social media gayung siya itong dahilan kaya muntik pang lumala ang iringan sa dalawang bansa. Samantalang si opisyal na tahimik na nagtrabaho, nagbigay ng kompletong pahayag nang dumating na sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?