105

Dec 2, 2017 @ 13:34
By

Tumakas sa Oplan Sita, tiklo sa patalim

Tiklo ang dalawa katao matapos mahulihan ng patalim makaraang tumakas sa isinasagawang Oplan Sita sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Sa report na nakalap sa tanggapan ni CSupt. Romulo Sapitula, Eastern Police District Director, nakilala ang dalawang suspek na sina Hosea Espinosa y Batestil at Jonathan Lacsa y Bomita, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Pasig City.

Batay sa report, nagsagawa ng Oplan Sita ang mga kagawad ng Police Community Precinct 8 sa kahabaan ng Sandoval Ave., Pinagbuhatan Pasig City bandang alas-3:15 ng madaling-araw.

Nang sitahin ang dalawang suspek na sakay ng Honda Wave motorcycle para sa checkpoint ay agad na kumaliwa ang dalawa patakas sa itinayong checkpoint.

Naghinala ang mga pulis kaya agad na sinundan ang dalawa at nang mahuli ay nakitaan ng matalas na patalim.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Pasig detention cell at inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?