254

Nov 16, 2017 @ 15:17
By

Tumakas sa huli, rider basag ang bungo

Patay ang isang rider habang sugatan naman ang dalawang babaeng angkas nito matapos na paharurutin umano ang sinasakyang motorsiklo upang takasan ang sumitang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Josefina Quartero, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit–Traffic Sector 6 (QCDTEU- TS6) ang nasawi na si Jomar Rosas, 23-anyos, empleyado ng Mamboks (Andoks at Baliwag Litson) at nakatira sa Meycauayan, Bulacan.

Si Rosas ay namatay noon din matapos na humampas ang ulo sa konkretong semento. Sugatan naman ang dalawang angkas nito na sina Jovelyn Racelda, 20, ng Bocaue, Bulacan; at Maricel Valdez, 26, ng Brgy. San Agustin, Novaliches.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Arman Milad, dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng EDSA sa Brgy. Sto. Kristo, QC.

Sinita umano ng MMDA traffic enforcer ang matulin na takbo ng motorsiklo sa kahabaan ng North Ave. na minamaneho ni Rosas habang angkas sina Jovelyn at Maricel.

Subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa umano ni Rosas ang minamanehong motor patungo sa direksiyon ng EDSA.

Hinabol ng MMDA enforcers na lulan din ng motorsiklo sina Rosas subalit pagsapit ng EDSA sa kanto ng Nueva Ecija St., sa Brgy. Sto. Kristo ay sumalpok ang sasakyan ng huli sa isang Honda Civic na may plakang OCW-603 na minamaneho naman ng nakilalang si Gerwin Dagdag, 40.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa kotse ay tumilapon ang tatlo at bumagsak una ang ulo ni Rosas na kanyang agarang ikinamatay at ikinasugat ng dalawang angkas nito. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?