36

Jan 11, 2022 @ 13:04

Tulong sa pag-aaral ng mga anak! Driver, konduktor bigyan ng regular na sweldo – Ping

Sa usapin ng regularisasyon ng mga driver at konduktor ng mga pampublikong sasakyan, hindi naiwasan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na balikan ang alaala kung paano sila itinaguyod ng kanyang ama sa pamamagitan ng pamamasada ng jeep.

“‘Yan ang bumuhay sa amin [at] nagpaaral sa aming magkakapatid,” sabi ni Lacson. Ipinagmamalaki niya na dahil sa pagsisikap ng kanyang ama na nagtrabaho bilang tsuper sa Cavite ay nakapagtapos silang magkakapatid at narating ang kanilang katayuan sa buhay ngayon.

Sa panayam ng DZXL, binigyang-diin ni Lacson na magandang hakbang ang regularisasyon sa mga driver at konduktor upang mapabuti ang kanilang kita na magbibigay ng magandang oportunidad sa kanilang pamilya, lalo na sa edukasyon ng kanilang anak at proteksyon din sa mga pasahero.

“Kasi ‘pag na-regularize, madaling ma-identify. Kasi again pagka-contractual, ‘di ba, nauso noong araw 10 ang lisensya ng driver? ‘Pag nahuli o kaya naaksidente tinatapon na lang ‘yung ano at mayroon na naman siyang [ibang] lisensya na gagamitin,” saad ni Lacson.

Kailangan lang umanong busugin sa datos ang planong ito upang matukoy ang mga positibo at negatibong epekto sa lahat ng panig. Kung magiging regular ang mga driver at konduktor ay tataas ang kanilang dignidad, ayon pa kay Lacson.

“Kasi diyan ma-pro-professionalize [‘yung] mga driver [at] konduktor tapos medyo maganda ‘yung tingin nila, ‘yung dignidad nila aangat e, kasi regular employees na sila. Hindi na sila ‘yung parang, alam mo ‘yon, boundary system,” aniya.

Kapag naayos ang sistema sa pampublikong transportasyon, mas magkakaroon pa ng disiplina at madaling maparurusahan ang mga nakagawa ng paglabag sa batas trapiko man o iba pang maaaring maging reklamo ng mga pasahero.

“Pero kailangan lang talaga nasa wastong pag-aaral at saka [alamin] kung ilan ‘yung maaapektuhan [at] ilan ‘yung makikinabang,” ayon kay Lacson.

Sa kanyang opisyal na Facebook page, ibinahagi rin ni Lacson ang larawan ng kanilang pamilya noong nasa Philippine Military Academy pa siya. Aniya, bumibiyahe mula Cavite hanggang Baguio ang kanyang mga magulang noon upang bisitahin siya sa kanilang campus.

“Halata bang hindi sanay sa camera si tatay? Ang layo ng tingin! Ang kabisado lang ata niyang titigan ay ang daan habang nagmamaneho siya ng jeep noon. Sa kanya ko siguro namana ang pagiging mailap sa camera,” sabi pa ng presidential candidate.

Inspirasyon ni Lacson ang kanyang ama sa pagsugpo ng krimen sa kalsada partikular ang kotong na sinugpo niya nang maupong hepe ng Philippine National Police. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit niya isinusulong ang mithiing ayusin ang gobyerno upang maayos ang buhay ng bawat Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?