48

Oct 24, 2017 @ 15:50

Tulong para sa Marawi ng EU, ipinagbawal

Kinumpirma ni Education Secretary Leonor Briones na pinagbabawalan sila ng Malacañang na tumanggap ng donasyon na manggagaling sa European Union o EU.

Subalit ayon sa kalihim, tanging text message pa lamang ang kanyang natatanggap mula sa Office of the President at wala pang pormal na memorandum na ipinalalabas hinggil sa kautusan.

Pahayag ito ni Briones sa harap ng napipintong rehabilitasyon ng mga eskuwelahan sa Marawi City na napinsala dulot ng bakbakan sa pagitan ng mga teroristang Maute at tropa ng pamahalaan.

Sa pulong-balitaan sa Maynila ay sinabi rin ng kalihim na pinagtutuunan nila sa ngayon ay ang mga donasyon na manggagaling sa ibang bansa.

Pero mas prayoridad umano nila na tanggapin ang mga donasyong materyal tulad ng mga construction material, sa halip na salapi.

Marami pa kasi aniyang proseso na dapat isaalang-alang kapag pera ang ibinibigay na donasyon at ito ay nakapagpapatagal sa pag-usad ng kanilang proyekto.

Sa mahigit limang buwan na bakbakan sa Marawi City, sinabi ni Briones na mahigit 60 na mga paaralan ang nasira ng dahil sa giyera kung saan 20 sa mga ito ay totally damaged. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?