116

Dec 23, 2017 @ 18:35
By

Tulong ng publiko sa mga biktima ng bagyo, hiniling ng Palasyo

Nanawagan ang Malacañang sa publiko na tulungan ang mga biktima ng bagyong Vinta at iparamdam ang diwa ng Pasko sa harap ng dinanas na karanasan sa pananalasa ng bagyo.

Sa harap na rin ito ng matinding pinsalang idinulot ng bagyo gaya ng landslide at flashfloods sa mga lugar ng Misamis Oriental, Lanao, Cagayan de Oro at ilan pang bahagi ng Mindanao.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na patuloy na ipagdasal ang mga kababayang naapektuhan ng bagyo.

“For those of us who are safe dito po ‘yan sa Metro Manila at iba pang lugar, let’s keep on praying for our countrymen na naapektuhan po nitong bagyong Vinta. At kung mayroon po tayong sobra, dapat din nating ibigay, i-donate, itulong bilang ayuda. Huwag po tayong mag-atubili, just also for the spirit of Christmas,” ang panawagan ni Andanar.

Kabilang ang bahay ng kalihim sa mga nalubog sa baha sa Cagayan de Oro, habang natabunan naman ng putik at lupa ang ilang lugar dulot ng landslide.

“Iyong lugar nga namin sa Cagayan de Oro, doon sa barangay Tibasak, iyong tubig ay tumaas hanggang bubong pati itong bahay namin doon ay nalubog po sa tubig-baha,” ang pahayag ni Andanar.

Sa kabila nito sinabi ng kalihim na naka-preposition na ang mga food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matulungan ang mga biktima ng bagyo.

Hinihintay na ng Malacañang ang official report sa bilang ng mga nasawi at nawawala sa paghagupit ng bagyong Vinta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?