85

By

Tulfo, Teo kakasuhan kapag hindi ibinalik ang P60-M ad payments – Palasyo

Sharing is caring!

Mahaharap sa kaso si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at kapatid na si Ben Tulfo kapag patuloy na nagmatigas sa isyu ng P60 million tourism ads na naunang inihayag na isasauli sa gobyerno.

Kasunod ito ng pahayag umano ni Tulfo sa kanyang Facebook post na mamumuti lang ang mata ng mga naghihintay dahil hindi niya ibabalik ang P60 milyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nalulungkot sila sa naging desisyon ni Tulfo na huwag sundin ang naunang pangako.

Pero mayroon naman aniyang proseso at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing dapat umusad ang legal na proseso para mapanagot ang mga sangkot sa anomalya sa Department of Tourism.

Hindi pa aniya “off the hook”ang magkapatid na Teo at Tulfo kaya’t hahayaan ng Malacañang na umusad ang proseso laban sa kanila.

“Nakakalungkot iyan dahil ‘yung pangakong ibabalik ay galing kay Ben at saka galing kay Wanda. Kung hindi nila susundin ang sariling deklarasyon ay OK lang po ‘yan, meron naman pong proseso at narinig ko na po ang Presidente na nagsabi mismo na dapat umusad ang legal na proseso para mapanagot ang dapat managot tungkol sa mga anomalya sa DOT,” ani Roque.

Ang kontrata ng P60 million tourism ads ay ibinigay umano ni Teo sa kapatid na si Ben na mayroong programa sa PTV 4 subalit walang kinita ang government TV kundi ang nakinabang lamang ay ang media production ni Tulfo. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?