26

By

Tulak nanlaban, patay sa buy-bust sa Valenzuela

Sharing is caring!

Nasawi ang isang drug pusher nang pumalag umano sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation habang naaresto naman ang kasama nito sa Valenzuela City kagabi.

Sa ulat ni PSSupt. David Poklay ng Valenzuela City Police, alas-8:05 ng gabi naganap ang insidente sa Doresol Compound, Area 5, Pinalagad, Barangay Malinta ng nasabing lungsod.

Nagkasa ng buy-bust operation ang Valenzuela City Police-Station Drug Enforcement Unit laban sa target nilang nakilala lamang sa alyas Golem, na residente ng Tondo, Maynila, kung saan nakipagkasundo umano ang suspek na sa nasabing lugar makipagkita kasama ang isa pang nagngangalang Ranny Manalastas.

Nang magkaabutan na ng shabu na inorder at marked money na napagkasunduan ay doon na nakita ni Golem na may mga awtoridad sa paligid na papalapit sa kanila, mabilis siyang bumunot ng kalibre .38 na baril ngunit bago pa man niya ito mapaputok ay naunahan na siyang barilin ng pulisya.

Agad naaresto ang kasama nitong si Manalastas habang mabilis na isinugod ng mga awtoridad sa Valenzuela Medical Center si Golem ngunit idineklarang dead on arrival ni Dr. Karel Diaz Tangara.

Narekober sa mga suspek ang nabanggit na baril at ang nasa 20 pirasong plastic sachets ng hinihinalang shabu.

May natanggap umanong impormasyon ang pulisya na sangkot din sa robbery at carnapping sa CAMANAVA si Golem, bagay na kinukumpirma pa ng mga awtoridad.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nahuling kasama nito. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?