115

Aug 4, 2018 @ 11:49
By

Tulak, 1 pa dedo sa engkuwentro sa Bulacan

Dalawa katao ang napatay nang manlaban sa mga awtoridad sa anti-illegal drug operations at paghahain ng warrant of arrest sa magkahiwalay na bayan ng Bulakan at San Ildefonso, kapwa sa Bulacan kahapon.

Ayon kay P/Sr. Supt. Chito Bersaluna, acting provincial director ng Bulacan PNP, nakilala ang suspek na sina Jomel Ramos, 34, biyudo, tricycle driver ng Barangay Santol, Balagtas, at Joselito Cruz, ng Barangay Bubulong Malaki, San Ildefonso at kanang-kamay ng napatay na lider ng Michael delos Reyes Group.

Kapwa sila namatay sa crime scene bunga ng tama ng bala sa katawan.

Bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang magsagawa ng operasyon ang Bulacan Police Station sa Jogging Road, Barangay San Nicolas at matapos kumagat ang suspek na si Ramos sa operasyon ay tinangka na itong arestuhin ngunit bumunot ito ng baril at lumaban.

Dito na napilitang gumanti ng putok ang pulisya kaya napatay ang suspek at narekober sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .38, apat na pakete ng shabu at marked money.

Siya ang tinutukoy na source ng droga sa nasabing lugar.

Samantala, bandang alas-siyete ng umaga nang ihain ng Provincial Intelligence Group sa pangunguna ni P/Supt. Orlando Castil Jr., ang warrant of arrest sa hideout ng suspek na si Cruz sa Barangay Bubulong Malaki, San Ildefonso ngunit nakatunog ito at sa halip na sumuko ay nanlaban kaya ito napatay ng pulisya.

Si Cruz ang sinasabing kanang-kamay ng napatay na lider ng notorious group na Michael delos Reyes syndicate na sangkot sa iba’t ibang kasong kriminal sa Bulacan.

Nakuha sa suspek ang kalibre .45.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?