53

By

Tugade sa harap ng mga senador: Sorry sa Xiamen Air incident

Muling humingi ng tawad si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa lahat ng mga naabala ng pagsadsad ng eroplano ng Xiamen Air noong Agosto 16 sa runway ng Ninoy Aquino International Airport.

Ginawa ito sa harap ng pagdinig ngayon ng Senate Committee on Public Services ukol sa Xiamen Air incident.

Ayon kay Tugade, hindi nila kagustuhan ang nangyari at sinikap nilang mabilis na resolbahin ang insidente pero inaako nila ang responsibilidad.

Sa pagdinig, ibinuhos na rin nito ang himutok dahil marami ang bumatikos at nanawagan na magbitiw sila ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal habang nireresolba ang insidente at ang pagkakaantala ng mga domestic at international flight.

Idiniin na hindi naman sila nagpagambala sa mga kritisismo.

“Marami rin hong nagsabi na Tugade resign, Monreal resign but we did our best given the circumstances,” sabi ni Tugade.

Iginiit ding hindi sila nagpabaya sa kanilang trabaho.

“Ang tanong, kami ho ba ay nagpa-petik-petiks? agpa-easy-easy? Hindi po,” sabi pa nito.

Ipinaliwanag na ang MIAA ang maingat na nagpatanggal ng sumadsad na eroplano bagaman obligasyon dapat iyon ng Xiamen Air.

Tumagal ng 36 na oras bago natanggal ang eroplano.

Ayon sa kalihim, “reasonable time” ang 36 na oras sa sitwasyon noon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?