56

Dec 3, 2017 @ 16:28
By

Tugade gigisahin sa pagdinig ng jeepney modernization

Nagpasalamat si Sen. Grace Poe sa pagtugon ng mga transport group sa panawagan na huwag ituloy ang transport strike sa Lunes at Martes (Disyembre 4 at 5).

Tiniyak nito na tuloy na tuloy ang ipinangako niyang pagdinig-publiko ng Senate committee on public services kapalit ng pagkansela sa transport strike.

“As I have committed, I will call a hearing to discuss with all stakeholders issues confronting the transport sector, including the planned jeepney modernization program with the view of addressing their concerns,” ayon kay Poe, chairman ng nabanggit na kumite.

Kaugnay nito, ipatatawag ni Poe si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade para paglatagin ng plano para sa mga jeepney driver at jeepney operator na tatamaan ng jeepney modernization.

“Iimbitahan ko si Secretary Tugade. Inaasahan natin na dadalo siya sapagkat mahalaga ang pagdinig na ito at nakasalalay ang kapakanan ng napakarami,” sabi ni Poe.

Umaasa ang senadora na sisiport sa pagdinig si Tugade.

“Pagkakataon ni Secretary Tugade na ilatag sa madla ang kaniyang mga plano at ipahiwatig ang kanyang malasakit,” ayon kay Poe.

Itinanggi na noon ng DOTr at ng LTFRB na tuluyan nang ipi-phase out ang pampasaherong jeepney pero ito pa rin ang pinangangambahan ng mga driver at operator. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?