29

Jul 15, 2021 @ 20:55
By

Tsinoy na nakipaghabulan sa mga pulis, umeksena na noon sa MPD headquarters

Nambulabog at naaresto na noon ang Filipino-Chinese na nakipaghabulan sa mga pulis Quezon City hanggang Maynila matapos takasan ang kaniyang bill sa isang hotel nitong July 13.

Noong Setyembre 2017 nagdulot ng komosyon ang Tsinoy na si Arvin Chua Tan sa Manila Police District (MPD) headquarters.

Sabi ni Tan sa mga naka-duty na pulis, na naroon siya para magsampa ng reklamo laban sa mga operatiba ng MPD Station 8 na tinutukan umano siya ng baril sa ulo.

Ngunit napansin siya na bini-videohan gamit ang kanyang cellphone ang pag-iinterbyu ng mga mamamahayag sa driver na nai-book noon ng law student na si Horacio Castillo III ilang sandali bago ito pumanaw dahil sa hazing.

Nang papasakay na ng kanyang sasakyan ay sinundan si Tan ng mga awtoridad.

Hiningan siya ng ID ng mga pulis at sinabi niyang isa siyang empleyado ng Department of the Interior and Local Government.

Sinabihan siya ng mga pulis na burahin ang kinunan niyang video ngunit imbes sumunod ay tinapunan niya ng upos ng sigarilyo ang harap ng pulis.

Dito na hinila si Tan palabas ng kanyang sasakyan ngunit bigla nitong pinaharurot ang sasakyan.

Hinabol siya ng mga pulis pero hindi na inabutan.

Kinaumagahan naging pahirapan ang pag-aresto kay Tan sa kanyang bahay sa New Manila, Quezon City matapos nitong sumampa sa terrace.

Sabi ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel, walang kinalaman si Tan sa Castillo hazing case.

Batay noong sa kanyang abogadong si Donna Jalmas-Masilungan, may sakit na schizophrenia si Tan at isang buwan nang hindi nakainom ng kanyang gamot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?