170

Oct 29, 2017 @ 16:32

Tsinoy, isa pa huli sa ecstasy sa QC

Nadakip ng pinagsanib na mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Tsinoy at kaibigan nito sa isinagawang pagsalakay sa kanyang apartment at nakumpiska ang umaabot sa P.5-milyong halaga ng marijuana at ecstasy sa Quezon City, noong Sabado ng gabi.

Sa report sa pulisya, dakong alas 9: 00 ng gabi nang madakip ang mga suspek na nakilalang sina Jerome Cheng, at Philip Angelo, kapwa residente ng Brgy. Sacred Heart, Quezon City, sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte.

Nabatid na halos isang buwan nang tinitiktikan ng mga awtoridad sa surveillance operation si Cheng makaraang makatanggap ng impormasyon sa illegal na gawain at nang maging positibo ang reklamo ay saka isinagawa ang pagsalakay.

Hinalughog ng mga awtoridad ang apartment ni Cheng at nakumpiska ang ilang sachet na naglalaman ng tableta at kapsula ng ecstasy, mga bote na naglalaman ng liquid ecstasy, at isang plastic bag na naglalaman naman ng mga tuyong dahon ng marijuana.

Sinasabing ibinebenta ni Cheng ang mga nakumpiskang droga sa kanya sa mga high-end bars sa Quezon City. Napag-alaman na imported o galing pa sa ibang bansa ang mga ecstasy na nabawi mula sa apartment ni Cheng.

Inamin naman ni Cheng ang pagbebenta ng iligal na droga pero hindi umano lahat ng nakumpiska sa kanyang apartment ay pag-aari umano nito sabay sabing walang kinalaman dito ang kasamang si Angelo.

Isinailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang iligal na ecstasy mula sa apartment ni Cheng at inaalam na rin kung sino ang mga pinagbebentahan nito ng mga nabanggit na droga. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?