352

Oct 29, 2019 @ 16:44
By

Tserman niratrat sa harap ng barangay hall

Sugatan ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng isang rider habang nakatayo sa harapan ng barangay hall Lunes ng gabi sa Pasay City.

Sanhi ng dalawang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa kamay at hita, patuloy na ginagamot sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Robustiano Miro, nasa hustong gulang at chairman ng Barangay 116.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-11:28 ng gabi nang mangyari ang insidente sa harapan ng barangay hall sa panulukan ng Dimasalang St., at Dimasalang Interior ng nabanggit na lungsod.

Habang nasa harapan ng barangay ang biktima ay biglang dumating ang nag-iisang suspek na sakay ng motorsiklo at walang salitang binaril ng dalawang beses ang biktima.

Nang duguang bumulagta ang biktima at sa pag-akalang nasawi na ito ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.

Kaagad namang isinugod ng rescue ng barangay ang biktima sa nabanggit na pagamutan at nakatakdang ilipat sa Orthopedic Hospital sa Quezon City.

Sa ngayon ay patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente at inaalam na rin kung may CCTV na nakahagip sa suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?