7

Jan 12, 2021 @ 20:15
By

True Faith patuloy sa pagbibigay ngiti sa mga Noypi

Lumipas man ang ilang dekada, isa pa rin ang bandang True Faith sa mga primyadong bansa sa bansa.

Sa panayam ng ‘Tunoy Pinoy, Tunog Abante’ sa Abante Radyo Tabloidista, binahagi ng mga miyembro ng True Faith ang kanilang sikreto at mga plano para sa susunod na taon.

Naitanong ni DJ Karen sa banda kung anong kanilang ginagawa para manatiling matatag at buo buhat nang magsimula noong 90s sa music scene.

“We like to keep it light, ‘pag nagkikita kami sa mga gigs, mga band rehearsals, we just keep it light,” lahad ni Macky Macaventa, ang bassist ng True Faith. “Siguro natural na din na karamihan ng mga miyembro kwela, mga loko-loko din eh.”

Sinabi din ni Eugene Marfil, ang nakatoka sa acoustic guitars, na sila’y nag-aadapt para makasabay din sa panlasa ng mga Gen Z at millennials.

“We adapt na hindi nawawala ‘yung pagka-True Faith namin… May mga elements pa rin ng mga bago,” ayon kay Eugene, na dinagdag na nakikipag-collaborate sila sa ibang banda tulad ng Sunvalley Crew at Armi ng UDD para magkaroon ng bagong flavor ang kanilang tugtog.

Pinunto din ni Macky na naging malaking pagsubok sa kanila ang taong 2020 dahil sa pandemya lalo’t nawala ang kanilang mga live gigs.

“If you consider True Faith, isa siyang live performing act. Nung nawala ‘yun sa amin, honestly ako yung reaksyon ko parang na-disorient ako,” binahagi ni Macky.

“Pag sanay ka na tumutugtog every day… Pag nawala sayo yun, very jarring siya sa buhay.”

Aniya pa, bagama’t nahirapan na walang live gigs ay nananatiling buhay ang banda sa pamamagitan ng mga online concerts.

Sa ngayon ay target nilang matapos ang kanilang 11th album kasama ang Viva Records na kanilang trinabaho kahit nasa lockdown ang buong bansa.

Mayroon namang bagong single ang True Faith na pinamagatang ‘You Ready Smile’, na kalalabas lang nitong Enero.

“It’s about being there for the ones you love, and being a beacon of hope as well to the people you love,” ayon kay Medwin Marfil, ang vocalist ng banda.

“So parang the smile is a metaphor of assurance of hope, assurance that everything is gonna be okay.”

Advice naman niya sa mga kabataan na gustong pasukin ang pagbabanda, “Have a strong dedication to your craft, finding your own voice, finding your individuality.”

“It’s okay to idolize your idols, somehow mimic their styles. pero at the end of the day, kailangan ‘yung process na ‘yon they will find their voice,” aniya pa.

Kasama din sa naturang interview ang kanilang lead guitarist na si Allan Elgar, keyboardist Jake Lumacad at drummer Kaka Quisumbing.

Panoorin ang buong episode ng ‘Tunoy Pinoy, Tunog Abante’ kung saan kanilang tinugtog ang kanilang latest song na ‘You Ready Smile’.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?