167

Dec 11, 2017 @ 15:55
By

Truck driver, helper sugatan sa trip ng mga lasing

Putok ang ulo at saksak ang inabot ng dalawang lalaki matapos pagtripan ng tatlong lasing na lalaki kamakalawa ng gabi sa Moriones kanto ng Zamora St., Tondo, Maynila.

Ayon kay P/Supt. Jay Dimaandal, station commander ng Manila Police District-Police Station 1, putok ang ulo, may saksak sa tagiliran at hiwa sa tenga ang biktimang si Jerwin Luzano, 24, truck driver, at taga-Bldg. 7 Unit 208 Vitas Katuparan, Tondo; habang saksak naman sa kaliwang braso ang tama ng kanyang kasamahan na si Hector Opda, 40, helper, at taga-408 Marcos Road, Capulong St., Tondo.

Habang arestado naman sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang mga suspek na sina Boy Lacbayo, alyas Bunso, 24; Raymond

Canoy, 27, pawang taga-Vitas Katuparan, Tondo; at Christian Bautista, alyas Nash, 25, residente ng No. 134 Santan St., Tondo sa tulong ng mga opisyales ng Barangay 101 sa kanilang lugar.

Nabatid sa kanilang kaibigan na si PJ Marano, pumunta umano ang mga biktima sa isang convenient store para bumili ng pagkain pero nakasara na kaya naghintay na lamang sila ng tricycle para umuwi na nang lapitan ng tatlong suspek na pawang mga nakasakay ng motorsiklo.

Tinapatan umano ni Lacbayo ang mga biktima, bumaba sa kanyang motorsiklo at walang sabi-sabing pinalo ng bote ng alak si Luzano sa ulo, kasunod nito’y bumaba rin sa motorsiklo si Canoy at saka sinaksak sa tagiliran ang una bago tumakas pero bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang pampasaherong jeep.

Tinutulungan naman ni Opda si Lacbayo nang lapitan din ng suspek na si Bautista at saksakin sa braso bago tumakas angkas sina Lacbayo at Canoy na iniwanan na ang kanilang motorsiklo.

Agad namang isinugod sa Mary Johnston Hospital ang mga biktima at nilapatan ng paunang lunas. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?