21

Feb 8, 2018 @ 14:37

Troy Rosario, walang seryosong injury – coach Nash

Umaasa ang TNT KaTropa na makakarekober agad si Troy Rosario matapos itong itakbo sa ospital dahil sa masamang pagbagsak noong Miyerkoles kung saan natalo ang kanyang koponan sa Phoenix, 72-74, sa Mall of Asia Arena.

Nangyari ito nang matisod si Phoenix rookie Jason Perkins at napunta sa ilalim ng basket kung saan babagsak si Rosario matapos dumepensa sa layup ni Gelo Alolino, may 11:36 nalalabi sa fourth quarter.

Bumagsak na una ang mukha si Rosario kung saan naumpog ang baba niya sa sahig, sa lakas ng impact ay nagkaroon ito ng hiwa at dumugo kaya’t dinala siya sa Makati Medical Center para magamot.

Sinabihan na si KaTropa coach Nash Racela ng doktor na walang seryosong injuries na natamo ang player pero isasailalim pa ito sa obserbasyon.

“Okay naman siya,” ani Racela. “Good signs, no fracture or dislocation. May wound lang na malaki. I-observe pa siya kasi ang lakas nu’ng bagsak niya e.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?