117

Dec 21, 2017 @ 20:39

Trips abroad ng gov’t officials, pinagbawal na ni Duterte

Tapos na ang maliligayang araw ng mga opisyal ng gobyerno na mahilig mag-junket o bumiyahe sa labas ng bansa matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na simula January 1, 2018 ay ipagbabawal na niya ito.

Sa kanyang talumpati sa commissioning ng BRP Lapu-Lapu at BRP Francisco Dagohoy at launching ng Rice and Corn Blend ng Department of Agriculture sa Sasa Wharf, Davao City, sinabi ng Pangulo na puputulin na niya ang biyahe ng mga opisyal sa ehekutibo maliban sa mga diplomats.

Ipapaimbestiga niya rin ang mga opisyal na buwan- buwan ay bumibiyahe at palalayasin niya ang mga ito dahil hindi aniya sila kailangan sa gobyerno.

“Umiinit talaga ang ulo ko, kaya January 1 sabi ko kay Medialdea , well I do not want to interfere with Congress and the Supreme Court, dito sa akin, no travel no, I’ll cut it, except the diplomats, yung mga ambassadors.Basta sabihin ko walang travel. Mag-starvation diet muna tayo diyan,” ang Pangulo.

Sa tuwing lumalabas aniya ang mga opisyal ay gumagastos ng per diem, bayad sa hotel pati na ang pamasahe sa eroplano na kinukuha mula sa pondo ng gobyerno.

Kung personal aniya ang dahilan tulad ng namatayan sa ibang bansa, ipagdasal na lamang ang mga ito kaysa magwaldas ng pera ng gobyerno.

Nagalit ang Presidente dahil may ilang tanggapang walang mga opisyal dahil madalas sa abroad at hindi maibigay ang tamang serbisyo sa mamamayan.

“Mostly sa Manila mga “dead woods”, ang mga tao magpunta doon maghanap ng pirma wala niyan, pagbalik kinabukasan wala diyan, pagdating dito nandoon sa abroad. Tingnan mo ang record,7, 8, 9, 10 going abroad. You save the money of the people for a flimsy reason to go there,” dagdag pa ng Pangulo.

Iginiit ng Presidente na magiging istrikto siya sa pagbabantay sa budget lalo na at pera ng taongbayan ang ginagastos ng mga opisyal.

Matatandaang sinibak ng Pangulo sina Presidential Commission for the Urban Poor chairman Terry Ridon at Development Academy of the Philippine President Atty. Elba Cruz dahil sa junket. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?