120

Oct 18, 2017 @ 16:38

Trip to HK, premyo sa mga babaeng sundalo sa Marawi

Matapos ang hirap at dusa sa pakikipagbakbakan sa Marawi City, magpapasarap  naman ang  mga  babaeng  sundalo sa  pamamagitan ng  bakasyon grande sa  Hongkong.

Sinabi kahapon  ni  Presidential Communications  Operations Office  (PCOO)  Secretary Martin Andanar na muling  inulit  ni Pangulong Rodrigo Duterte ang  kanyang  pangako na trip to Hongkong  sa  mga babaeng  sundalo  matapos  ideklara  ang  liberasyon ng  Marawi City noong  Martes.

Maaaring  magsama  ng  dalawa  ang  bawat  babaeng  sundalo sa  kanilang  bakasyon sa  Hongkong at  sagot  din ng  Pangulo  ang  hotel accomodation  at pang-shopping  ng  mga  ito.

Libre  naman  aniya ang  kanilang  tiket  sa  eroplano  mula sa Cebu Pacific.

“Pinangakuan iyong mga sundalo na babae ng trip to Hong Kong for three. So iyong eroplano, sagot ng Cebu Pacific. Iyong hotel at saka allowance, sagot ni Presidente. Tapos iyong mga lalake, iba iyong pangako sa kanila,” ang  pahayag  ni Andanar.

Ayon sa  kalihim, kailangan  din  ng  mga  sundalo ang  konting  pahinga   matapos a ng  halos limang  buwang  pakikipagbakbakan sa  Mauter-ISIS  terror  group sa Marawi City.

Sinabi ni Andanar  na  kinikilala  ng  Presidente  ang  sakripisyo ng  mga  sundalo para  maipagtanggol  ang  bansa  laban sa  mga  gustong manakop at maghasik ng  gulo.

Para  naman  sa  mga  nasugatang  sundalo  na  hindi na  maaaring  makabalik sa  serbisyo dahil  sa  tinamong  pinsala  sa  pakikipaglaban, sinabi ni Andanar  na  bibigyan sila  ni Pangulong  Duterte  ng ibang  trabaho  para may ibang  pagkaabalahan.

“Tapos nangako ang Presidente ng trabaho para doon sa mga wounded-in-action na hindi na puwedeng bumalik sa AFP dahil naputulan ng paa at malala na ang sitwasyon.  So nangako si Presidente na hindi sila mawawalan, mabibigyan sila ng trabaho,” ang  dagdag  na  pahayag  ni Andanar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?