306

Sep 29, 2017 @ 18:58

Trillanes sinupalpal sa planong pag-kudeta kay Koko

Kinontra agad ng mga miyembro ng mayorya sa Senado ang banta ni Senador Antonio Trillanes IV na patatalsikin si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Ang bantang pagpapatalsik ay kung hindi aalisin ni Pimentel si Senador Richard Gordon bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee.

Ayon kina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III at Senador Panfilo “Ping” Lacson, solido ang 16 na miyembro ng mayorya at suportado nila ang liderato ni Pimentel kaya’t malabong makakuha ng sapat na boto si Trillanes para sa pagpapatalsik sa kanilang pinuno.

Kumpiyansa naman si Senador Migz Zubiri na malalagpasan nina Pimentel at Gordon ang mga pag-atake laban sa kanila.

Binigyang-diin ni Zubiri na tiwala ang mga senador sa integridad at kapabilidad ng dalawang lider na nakikita naman sa kanilang mga trabaho.

Naniniwala naman sina Senador JV Ejercito, Sonny Angara at Joel Villanueva na walang dahilan para sa pagpapalit ng liderato sa Senado.

Binigyang-diin naman ni Senador Sherwin Gatchalian na ipinakita ni Pimentel sa kanyang pamumuno ang pagiging patas kaya’t maraming mahahalagang panukala ang kanilang naipasa.

Bago mapatalsik ang Senate President, kinakailangan ng 50 percent o 13 boto ng mga senador.

Sa ngayon, 16 ang kaalyado ni Pimentel habang anim ang minorya na kinabibilangan ni Trillanes. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?