By

Trillanes sinampahan ng kasong ‘sedition, inciting coup’

Sharing is caring!

Ipinagharap na ng grupo ng mga abugado ng patung-patong na reklamong kriminal si Senador Antonio Trillanes IV sa Pasay City Prosecutors Office.

Si Trillanes ay partikular na kinasuhan ng inciting to sedition, proposal to commit coup d’etat at reklamong katiwalian dahil sa pag-uudyok umano nito sa militar na paslangin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama sa mga naghain ng reklamo sina Atty. Eligio Mallari, Atty. Glenn Chong, Atty. Nestor Ifurung, Atty. Jacinto Paras, Atty. Eduardo Bringas, Atty. Nasser Marohomsalic at negosyanteng si Louis Biraogo.

Nag-ugat ang reklamo sa privilege speech ni Trillanes noong October 3, 2017 kung saan inakusahan niya si Pangulong Duterte na may transaksyon sa bangko na nagkakahalaga ng mahigit P2 billion mula 2006 hanggang 2015.

Sa nasabing talumpati, sinabi ni Trillanes na kung makikita ng mga sundalo ang mga ebidensya na nagsasabing si Duterte ay may tagong-yaman, malamang na gamitin nila ang kanilang M-60 machine gun laban sa Pangulo at baka maubusan pa sila ng magasin.

Ginawa ni Trillanes ang pahayag bilang tugon sa talumpati naman ni Duterte na kung mapapatunayan na ang kanyang savings ay lalagpas ng P40 million, pwede siyang barilin ng kahit na sino.

Iginiit ng mga complainant na inilalagay ni Trillanes sa alanganin ang kapayapaan sa bansa nang dahil sa kanyang “seditious words” laban sa Pangulo.

“Trillanes not only repeatedly uttered seditious words or speeches (Article 142 of the Revised Penal Code) and unabatedly circulated scurrilous libels against the President (Article 142, RPC), which tend to disturb the public peace, but also repeatedly incited others to inflict any hate or revenge upon his person (Article 142, in relation to Article 139 (3), RPC; first mode of commission),” ang nakasaad sa inihaing reklamo laban kay Trillanes.

Nilabag din umano ng senador ang Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa patuloy na pagparatang kay Pangulong Duterte na mayruon itong P2 billion sa kanyang bank account nang wala namang ebidensya.

“Having endangered the life of State and its people, Trillanesshould bear all the probable and logical consequences of his acts.He who is the cause of the cause is the cause of the evil caused. Dura sedlex (The law may be harsh, but it is the law),” ang nakasaad sa reklamo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?