24

Oct 19, 2017 @ 17:29

Trillanes sa US, kinuwestyon ni Pimentel

Palaisipan kay Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang motibo ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV sa pagtungo sa Estados Unidos upang umano’y kumbinsihin si US President Donald Trump na huwag nang tumuloy sa Pilipinas sa Nobyembre.

“Is he now a US politician?” saad ni Pimentel.

Inamin ni Pimentel na ipinaalam sa kanya ni Trillanes ang biyahe nito patungong Estados Unidos subalit hindi naman nilinaw ang kanyang mga aktibidad.

Kasabay nito, nagpasaring si Pimentel na umaasa siyang walang kapwa Filipino ang gumagawa ng mga aksyon upang masira ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.

“I hope no one else is wishing or worse working for bad relations between PH and other countries like the US and EU members,” dagdag ng Senate President.

Habang naka-break ang Senado, abala si Pimentel sa paglilibot sa ibayong-dagat para palakasin ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa partikular na sa Russia at Great Britain. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?