98

Oct 23, 2017 @ 12:53

Trillanes sa mga kritiko: Umayos kayo!

Pumalag si Senador Antonio Trillanes sa akusasyon na nag traydor siya sa bayan dahil siniraan niya diumano ang Administrasyong Duterte sa kaniyang pag-iikot sa mga opisyal ng America.

Giit ni Trillanes, mismong ang isa sa kaniyang kinausap na si US Senator Marco Rubio ang nagsabi na ang kanilang pinag-usapan ay ang alyansa ng Pilipinas at America, ang katiwalian at ang lagay ng pagrespeto sa mga karapatang pantao sa bansa.

“Nagtraydor daw ako sa bayan dahil nakipag usap ako kay US Sen. Marc Rubio kahit pa sinabi niya mismo na PH-US alliance, corruption and human rights situation ang pinag-usapan namin.” Diin ni Trillanes.

Pinagsabihan niya na umayos ang nagsasabing siya ay nagtraydor.

Sabay tanong sa mga ito kung sila ba ay mga bayani dahil pinoprotektahan ng Pangulo na itinuturing niyang kriminal.

“Ano naman ngayon ang tawag sa mga protector ng isang presidenteng pumatay at nagpapapatay ng mga Pilipino, bayani? Pwede ba, umayos kayo!” dagdag ng senador.

Una rito, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na ipauubaya nila sa Department of Justice ang pag-iimbestiga kung pagtataksil sa bayan ang ginawa ni Trillanes.

SInabi naman ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na naglilibot si Trillanes sa America dahil nagpapatulong para mapabagsak si Pangulong Duterte.

Inakusahan din si Trillanes ng pag-uudyok sa America para pigilan ang pagbisita ni Pang. Donald Trump sa Pilipinas sa darating na Nobyembre. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?