127

Jun 20, 2018 @ 15:20
By

Trillanes, Roque nagmukhang BFFs nang magharap sa Senado

Animo’y hindi nagbangayan sa media nang magharap sa Senado sina Senador Antonio Trillanes at Presidential spokesperson Harry Roque.

Magiliw na nagkamayan ang dalawa at kapwa nagsabi sa gitna ng isang pagdinig ng Senado na kaibigan nila ang isa’t isa.

Nasa Senado si Roque para sa pagdinig ukol sa Senate Bill 1680 kung saan layon na amyendahan ang Code of Conduct and Ethical Standards para mapatawan ng parusa ang mga opisyal ng gobyerno na magkakalat ng fake news.

Dinidinig ito ng Senate committee on civil service na pinamumunuan ni Trillanes.

Sa pagdinig, sinabi ni Trillanes na masaya siya na kahit ang tingin demonyo ang tingin sa kaniya ni Roque ay nakadalo ito sa ipinatawag niyang pagdinig.

Sagot naman ni Roque, matagal na nga silang magkaibigan at malalim ang kanilang samahan pero minsan kailangan daw niyang amg self – defense o idepensa ang sarili.

Matatandaan na sinabi ni Trillanes noong nakaraang linggo na ibinenta na ni Roque ang kaluluwa nito sa demonyo at ang tinutukoy nyang demonyo ay si Pangulong Duterte.

Inimbitahan din sa pagdinig ngayong hapon sina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at PCOO Assistant Secretary Mocha Uson pero hindi dumating at sa halip ay nagpadala ng kinatawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?