227

Dec 5, 2021 @ 15:41
By

Trillanes: Presidential endorsement ni Duterte, pera-pera lang

Wala na umanong political capital at pera-pera ang pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang kandidato sa pagka-pangulo para sa 2022 elections, ayon kay dating senador Antonio Trillanes IV.

“Ang pinaka-value ng endorsement ni Duterte at this point is ‘yung pondo. Maaaring ‘yung political base niya parang nahigop na ni Bongbong Marcos pero yung pondo being the admin candidate ‘yan ang inaantabayanan ng mga,” sabi ni Trillanes sa lingguhang programa ni Vice President Leni Robredo sa radyo.

Paliwanag ng dating senador, kung iendorso umano ni Duterte si Manila Mayor Isko Moreno, mapupunta umano ang campaign fund ng administrasyon sa kanya.

Sabi ni Drilon, susuportahan umano ng mga lokal na kandidato ang kandidatura ni Moreno dahil sila rin ang nangangailangan ng pondo para sa kanilang sariling kampanya.

“Itong samahan nila Duterte ano naman ito, pera-pera ito. Wala namang prinsipyong diyan pinag-uusapan sa kanila so ganun iyan,” sabi ni Trillanes.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na iniendorso si Duterte para sa pagka-pangulo bagama’t naunang inihayag ni Senador Bong Go ang kanyang pag-atras sa presidential race.

Nauna nang sinabi ni Moreno na hindi niya tatanggihan ang pag-endorso ni Duterte kung nais ng Chief Executive na maging presidential bet ng administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?