218

Jul 8, 2021 @ 21:36
By

Trillanes pinakakurakot na senador – Duterte political adviser

Sinabi ni Presidential Adviser on Political Affairs Jacinto Paras na si dating senador Antonio Trillanes IV ang pinakakorap na senador sa bansa.

Ani Paras, noong mambabatas pa si Trillanes ay sobra-sobra umano ang ibinabayad nito sa mga consultant, na galing sa kaban ng gobyerno.

“He (Trillanes) is the most corrupt senator that ever lived in this country. Unang-una, ‘yung kaniyang mga consultant, overpriced,” saad ni Paras sa virtual press conference nitong Huwebes.

Inihayag ito ni Paras matapos akusahan ni Trillanes sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go na nakagawa ng pandarambong.

Payo ni Paras sa publiko, huwag pansinin si Trillanes dahil ang huli ay kilala umano na isang “sinungaling” at “dumb”.

Dagdag ni Paras, sa kabila ng paninirang-puri ni Trillanes kina Duterte at Go ay hindi ito makakakuha ng tiwala ng publiko.

Kamakailan inakusahan ni Trillanes sina Pangulong Duterte at Go ng plunder kaugnay ng pagbibigay ng kontratang aabot sa P6.6 bilyon sa construction company na pagmamay-ari ng ama ni Go.

Sabi ni Trillanes, maliwanag umano sa dokumento mula sa Commission on Audit na binigyan ni Duterte ang pamilya ni Go ng 184 proyekto na nagkakahalagang P6.6 bilyon.

Nauna nang pinabulaanan ni Go ang paratang ni Trillanes.

“Panis na isyu itong pinapalabas ni Trillanes. Wala na bang bago? Katunayan, noong Setyembre 2018 pa, hindi pa ako senador ay sinagot ko na ito at hinamon ko pa nga si Trillanes na imbestigahan niya at magsampa siya ng kaso,” sabi ni Go sa isang statement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?