145

May 11, 2019 @ 12:09
By

Trillanes, Otso Diretso idiniin ng Pangulo sa Bikoy videos

Idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senator Antonio Trillanes IV ang siyang nasa likod ng narco videos na nag-aakusa sa kanya at sa kanyang pamilya na may kaugnayan umano sila sa sindikato ng ilegal na droga.

Sa kanyang talumpati sa miting de avance ng Hugpong ng Pagbabago sa Davao City, Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na ang Magdalo ni Trillanes ang gumawa ng narco videos na inilahad ni alyas Bikoy para siraan siya at ang kanyang pamilya.

Idinawit rin ni Pangulong Duterte ang Otso Diretso na kasabwat sa pagpapakalat ng narco videos.

“Actually Magdalo and Otso Diretso were behind the Bikoy propaganda. Its the production of Trillanes,” anang Pangulo.

Ayon pa sa Pangulo, ang Bikoy na nasa video na naka-hood ay hindi ang narrator dahil ang isa ay Bicolano habang ang isang nagsasalita ay may puntong Maranao.

“The Bikoy in the video whose face was covered was not the one who was speaking. This one is a Bicolano, while the other has the accent of a Maranao,” dagdag pa ng Presidente.

Isa sa mga paratang sa narco videos ay tumatanggap umano si Pangulong Duterte kasama ang pamilya nito ng payoffs mula sa sindikato ng ilegal na droga.

Idinawit din ang bunsong anak ng Pangulo na si Kitty sa illegal drug trade na ikinagalit ng Presidente.

Bukod sa First Family ay kasama rin si Bong Go sa inakusahan ni alyas Bikoy na tumatanggap din ng drug money mula sa mga sindikato.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?