5,178

Sep 23, 2021 @ 14:17
By

Trillanes ‘nasuka’ kina Lacson, Pacquiao, Isko, kinalampag si VP Leni: Magdesisyon ka na!

Dahil tatakbo na sa pagkapresidente sina Senador Panfilo Lacson, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno, tuluyan nang nalusaw ang ‘united opposition’ na siyang plano sana ni Vice President Leni Robredo para sa Halalan 2022.

Ito ang naging pahayag ni dating senador Antonio Trillanes IV matapos maghain ng kandidatura ang tatlo bilang lider ng bansa sa susunod na taon.

“Bunga ng mga pagdeklara ng pagtakbo bilang Presidente nina Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Mayor Isko Moreno, nabasura nang tuluyan ang “unity talks” na tinutulak ni VP Leni Robredo,” ani Trillanes sa kanyang Facebook post ngayong Huwebes.

“Simula’t sapul, talagang desidido naman silang tumakbong pagka-Presidente. Bukod pa rito, hindi naman sila TUNAY NA OPOSISYON kahit papaano pa natin baliktarin ito,” banat pa niya.

Dahil dito, kinalampag ni Trillanes si VP Leni para sa agarang pagdedesisyon nito hinggil sa darating na eleksyon.

Aniya, sapat na siguro ang panahong ibinigay sa kanya para makapag-isip-isip kung ano ba ang plano niya para sa susunod na taon.

“Sa mga nakaraang buwan, ang buong oposisyon ay hinayaan si VP Leni na pagdaanan ang kanyang masusing decision-making process. [S]ubalit ngayong isang linggo na lang ang nalalabi bago ang filing ng certificate of candidacy, naniniwala kami na sapat na panahon na ang nagdaan para sa kanyang masusing pagsusuri at pagtimbang sa kung ano ang makakabuti sa ating bansa,” aniya.

“Nananawagan kaming mga Magdalo kay VP Leni na magbigay na ng agarang desisyon ukol sa darating na 2022 elections.

Kailangan nang sagutin ang pangamba ng karamihan kung pamumunuan niya ba ang TUNAY NA OPOSISYON sa pamamagitan ng pagtakbo bilang presidente o ipapaubaya na lang sa iba na ipagpatuloy ang laban tungo sa tunay na pagbabago,” dagadag pa niya. (VA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?