1,963
trillanes3
By

Trillanes nakipag-ayos na kay Binay

Sharing is caring!

Tinapos na ni Senador Antonio Trillanes IV ang “dedmahan” nila ni Senadora Nancy Binay.

Ayon kay Binay, nakipag-ayos at nakipag-usap sa kaniya nang masinsinan si Trillanes noong Marso 21 na huling araw ng sesyon ng Senado bago ang kanilang bakasyon para sa Mahal na Araw.

Sa halos isang oras nilang pag-uusap sa Senators’ Lounge, sinabi umano ni Trillanes na wala itong alitan kay Binay.

Ipinaliwanag din aniya ni Trillanes ang mga hugot nito laban sa kaniyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay na binira nang husto bago ang Eleksyon 2016 kung saan kumandidato ito sa pagkapangulo.

“Nag-explain lang siya kung ano ang pinanggalingan niya. In-explain na niya ‘yung sa kudeta sa Oakwood, noong hindi sumipot ang daddy ko,” sabi ng senadora.

Dahil sa Senate investigation noon kay VP Binay hindi na nagpansinan at halos mag-iwasan sina Binay at Trillanes.

Sabi noon ni Binay, “look away” na lang siya kapag kasalubong si Trillanes pero ngayong lumapit ito sa kaniya, “move on” na raw siya at mabubura na ang kanilang “awkward moment” sa Senado.

Puwede na rin nyang kausap ni Trillanes gaya nina Senate President Koko Pimentel at DFA Secretary Alan Peter Cayetano na nanguna rin noon sa Senate hearings laban kay VP Binay.

Kinumpirma naman ito ni Trillanes na nagbigay diin na wala siyang personal na alitan kay Binay at hinayaan lang niya ito sa personal space nito kaya hindi nya ito agad na kinausap.

Nilinaw naman ni Trillanes na hindi nila pinag usapan ang mga kasong isinampa laban sa kaniya ng mga binay na ayon kay Sen. Nancy ay tuloy pa rin.

“Senator Binay and I talked about a lot of things and it was a very pleasant conversation,” sabi ni Trillanes sa text message sa Senate reporters.

“I never had anything against her personally but I just respected her space all the this time because I had very bitter political feud with her father, VP Binay, a few years ago,” dagdag nito.

Sinabi naman ng senadora na tuloy pa rin ang mga kasong kriminal na isinampa ng mga Binay laban kay Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?