448

Jun 11, 2019 @ 12:08
By

Trillanes nagpakita ng ebidensya laban sa bintang ni Bikoy hinggil sa oust plot vs Duterte

Iprinisinta ni outgoing Senator Antonio Trillanes IV sa naganap na press conference nitong Martes (June 11) ang umano’y mga ebidensiya na hindi totoo ang sinasabi ni ‘Alyas Bikoy’ na mayroong planong pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang press conference sa Senado, ipinakita ni Trillanes ang mga di umano’y text messages ni Peter Joemel Advincula o “Alyas Bikoy” sa mga kaparian na siyang nilapitan umano ni Advincula noong nakaraang taon upang videohan siya, at gumawa ng mga alegasyon laban sa ilang mga tao.

Ipinakita ni Trillanes sa mga reporter ang screenshots ng serye ng mga text message.

Nakasaad sa isa sa mga text message na sinabi ni Advincula na kuhaan na siya ng Padre ng video ng kaniyang testimonya.

“Padre kunan mo na aku ng video para may marecord ka ng testimonya ko! Yung sa maghintay kaya ko yun padre! Pero yung sisihin palagi aku yun ang d ko kaya padre! Planu ko ng tapusin ang buhay! Ang sakit sakit na ng ulo ko!”

Isa pang screenshot ang naglalaman naman ng mensahe ni Advincula na humihingi ng pera para sa upa ng bahay at pamasahe.

Ayon kay Trillanes, ang mga screenshot ng mga text message ay patunay na walang oust plot laban kay Duterte at si Advincula mismo ang nagkusang ibigay ang mga ipormasyon sa mga pari.

“Makikita nyo yung tema ha, sya [Advincula] yung nangungulit dun sa mga nagkukupkop sa kanya. Kabaligtaran yan dun sa kanyang alegasyon na ito ay sinusubo sa kanya na sya ay parang robot na sinususian lang, so baligtad,” saad ng Senador.

“Wala kang makikitang ouster plot dyan. Wala kang makikitang sinusubuan sya ng script nang kung sino man,” dagdag pa niya.

Saad pa ni Trillanes, kitang-kita naman sa video ni Advincula na hindi ito scripted at hindi ito dinidiktahan ng sino man.

“Nakita nyo ba na may script? Nakita nyo ba na dinidiktahan sy ang kung sino? Sya yun. Yung mga allegation nya nangaggaling sa kanya with feelings pa,” saad ni Trillanes.

“The point of that video is galing sa kanya lahat ng alegasyon nya,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?