3,229

Feb 24, 2020 @ 12:53
By

Trillanes: Marcos pumatay kay Ninoy!

Si dating diktador at Pangulong Ferdinand Marcos ang tinukoy ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na pumatay kay Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.

Agosto 21, 1983 in-assassinate si Ninoy, ngunit ngayong 2020, malabo pa rin kung sino ang mismong nagpapatay dito.

Sa ikalawang episode ng kanyang TRx vlog, nilabas ngayong Pebrero 24, 2020, pinaliwanag ni Trillanes kung bakit si Ferdie ang “tunay na mastermind” sa asasinasyon.

Una, dahil aniya sa “chain of command” na susunod lang ang mga sundalo sa nakatataas sa kanila. Ang Commander-in-Chief ng mga sundalo ay ang Pangulo ng bansa.

“Itong sila General (Fabian) Ver, at kung sinu-sinong mga PMA generals na involved sa operations, knowing the AFP culture, hindi ‘yan sila susunod kay Imelda (Marcos), kay Danding Cojuangco, or anybody outside the chain of command. Lalong-lalo na, na very sensitive covert operations ito,” wika ni Trillanes. “Si Marcos lamang bilang Commander-in-Chief ang nag-utos nito.”

Giniit din ni Trillanes na “fall guy” lang at hindi si Rolando Galman ang utak sa pagpatay kay Ninoy. Binaril si Galman ilang segundo matapos barilin ang katabing senador.

“Kung si Galman naman ang gumawa ng pagpatay kay Ninoy, isipin natin, papano niya nakuha yung impormasyon kung anong eroplano darating si Ninoy Aquino? Papano niya nalaman na sa hagdan lang dadaan si Ninoy at hindi sa tube kaya naabangan niya ito nung bumaba? And besides, papatay siya ng isang VIP na may security escorts na revolver lang ang hawak niya?,” usisa ni Prof. Sonny. “Imposibleng si Galman ang pumatay kay Ninoy; maliwanag na this is a well-planned and well-executed joint military operation. GInawa nang fall guy si Galman, pinatay pa ng mga sundalo.”

Pinuna rin ni Trillanes ang reaksiyon ng mga escort guard ni Ninoy, maging ang reaksiyon ni Marcos matapos ang assassination.

“Imbes na poproteksyunan nila yung VIP na ineeskortan nila ay sila pa ay lumayo kay Ninoy. To compare yung assassination attempt kay US President Ronald Reagan, yung US Secret Service, talagang they took a bullet for President Reagan,” sabi ni Trillanes. “Instead na hanapin niya (Marcos) at parusahan yung mastermind niyan, ang ginawa pa nila ay iba’t ibang paraan para i-whitewash o pagtakpan ‘yung katotohanan.”

Nilabas ni Trillanes ang kanyang vlog isang araw bago ang Pebrero 25, kung kailan ipagdiriwang ng bansa ang ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power Uprising.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?