146

Dec 6, 2017 @ 18:19
By

Trillanes kina Duterte, Joma: Nagtraydoran ang mga traydor

Kinantiyawan ni Sen. Antonio Trillanes si Pangulong Duterte matapos nitong ideklarang terorista ang New Peoples Army (NPA) at tuluyang talikuran ang pakikipagnegosasyon sa partido komunista.

Ayon kay Trillanes, nagtrayduran lang sina Duterte at Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) founding chairman Jose Maria Sison.

Noong mayor pa ng Davao City, magkasundong-magkasundo raw ito at si Sison pero nitong nanalo sa pagkapangulo, pinabayaan na ang mga makakaliwa dahil sinusuyo ang militar.

“Ang masasabi ko lang diyan, nagtatrayduran na ngayon ang mga traydor. Kasi nung unang-una, alam naman ni Duterte na terorista yang mga NPA ever since,” ani Trillanes.

“Magkasabwat sila nung Davao pa. Ngayon, komo nagtulungan sila, naging instrumento yung mga komunista sa pagkapanalo niya pinapabayaan na. Ngayon nililigayan niya ang Armed Forces, ganito ginagawa niya,” dagdag nito.

Inungkat naman ang pagbatikos ni Sison sa extrajudicial killings ngayong Duterte administration samantalang tahimik naman aniya si Sison sa mga patayan noon sa Davao City.

“Ngayon kay Joma Sison, nagrereklamo siya kay Duterte. Kung ano anong marami raw pinatay pero nung magkasabwat pa sila eh tahimik naman sila sa EJK hindi ba? Kaya ganyan lang, they deserve one another,” diin ni Trillanes.

Muli naman nitong hinamon si Duterte na sibakin ang mga makakomunista na gabinete nito kung talagang tinatalikuran na ang mga ito at itinuturing na terorista.

Tinukoy sina National Anti-Poverty Commission chairperson Liza Maza at Presidential Commission for the Urban Poor Chairman Terry Ridon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?