81

Oct 1, 2017 @ 16:15

Trillanes kay Duterte: Tigilan muna ang paninindak

Iyan ang panawagan kahapon ni Senador Antonio Trillanes IV kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng banta ng pangulo na magbubuo siya ng komisyon na siyang mag-iimbestiga sa isyu ng katiwaliaan sa Office of the Ombudsman.

“Kay Mr. Duterte, tigilan mo na ang mga paninindak mo sa mga taong tumitindig para sa tama at para sa katotohanan,” pahayag ni Trillanes sa kanyang text message sa mga reporters kahapon.

Sa halip na manindak, hinamong muli ni Trillanes si Duterte na magpakalalaki na lang ito at harapin ang hamon nito sa kanya ng lagdaan ang bank waiver para malaman ang katotohanan tungkol sa ibinibintang niyang mga ill-gotten wealth.

“Wag ka magtago sa kapangyarihan ng presidente. Magpakalalaki ka at harapin mo ang mga paratang sayo. Kung wala kang tinatago, pumirma ka ng waiver para malaman ang katotohanan,” sabi ni Trillanes.

Hiniling din ng senador sa publiko na suportahan sina Ombudsman Conchita Carpio Morales at Deputy Ombudsman Arthur Carandang na siyang namumuno sa pag-imbestigo kaugnay ng tagong yaman ng pangulo

“Nananawagan ako sa ating mga kababayan at mga cause-oriented groups na ipahiwatig nila ang kanilang suporta kay Ombudsman Conchita Carpio Morales at Deputy Ombudsman Arthur Carandang upang magampanan nila ang kanilang tungkulin na panagutin ang mga tiwali sa ating gobyerno,” ani Trillanes. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?