150

Jun 6, 2018 @ 13:03
By

Trillanes inireklamo ni Labor Usec. Paras ng grave threats

Tinuluyan ni Labor Undersecretary Jerome Paras ng reklamong “grave threats” si Senador Antonio Trillanes IV sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Sa may anim na pahina niyang reklamo, sinabi ni Paras na pinagbantaan siyang papatayin ni Trillanes nang magkrus ang kanilang landas sa session hall ng Senado noong Mayo 29.

Ayon kay Paras, sinabi ni Trillanes na “yayariin “ siya nito at hindi magtatagal ang kaniyang amo na tumutukoy kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang lakas ng loob mo. Hindi magtatagal ang amo mo. Matatapos din ‘yan. Yayariin kita. Mersenaryo ka. Yayariin kita,” ang diumano’y sinabi ni Trillanes kay Paras.

Nginitian lang umano ni Paras ang banta ni Trillanes at tinalikuran na ito pero hinabol pa umano siya sa may elevator sa second floor ng Senado at sinabihan siyang “May araw ka din. Mawawala naman ang presidente mo. Yayariin kita.”

Isinama ni Paras sa kaniyang reklamo ang kopya ng video footage ng pagtanggi ni Trillanes sa kaniyang pakikipagkamay.

Una nang kinumpirma ni Trillanes na nabuwisit siya kay Paras dahil nag-akmang kakamay sa kaniya nu’ng nilapitan niya sa session hall si Health Secretary Francisco Duque.

Ani Trillanes, nagpakatotoo lang siya sa kaniyang asar kay Paras dahil sinampahan siya nito ng kasong inciting to sedition batay sa kaniyang privilege speech laban kay Pangulong Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?