1,341

Apr 5, 2018 @ 17:56
By

Trillanes: Dapat masipa si Gordon sa Senate blue ribbon

Inihayag ni Senador Antonio Trillanes IV na ipinagdarasal niyang mapatalsik si Senador Richard Gordon bilang chairman ng Senate blue ribbon committee.

Ayon sa senador, kung kailangang mapalitan si Senate President Koko Pimentel bilang lider ng Senado para lang mapalitan si Gordon ay susuportahan niya.

Sinabi na umano niya noon kay Pimentel na hindi dapat tuta ni Pangulong Duterte ang mamuno sa Blue ribbon dahil ito ang titindig para sa independence ng Senado.

Kapag tuta ng pangulo ang blue ribbon chairman, sinabi ni Trillanes na gagamitin lang ito para sa proteksiyon ng pangulo.

Hindi naman mapangunahan ni Trillanes ang pagsipa kay Gordon dahil kasapi siya ng minority bloc.

Noon pa nito gustong mapalitan si Gordon sa Blue ribbon committee dahil inaabsuwelto raw ang mga kapanalig ng Malacanang gaya ng mga sangkot sa immigration bribery scandal at sa smuggling sa 604 kilos ng shabu kung saan idinawit nya ang anak ng pangulo.

Ikinairita rin ni Trillanes ang pagmonopolya ni Gordon sa mga pagdinig.

Sabi naman Pimentel, hindi na niya papatulan ang mga sinabi ni Trillanes dahil dati na itong kabanggaan ni Gordon.

Samantala, sa pulong balitaan dito, sinabi ni Trillanes na sa pribadong sektor na lang siya pagkatapos ng kaniyang termino biang Senador sa 2019.

Habang nasa pribadong sektor, tuloy daw ang kaniyang adovcacy na punahin ang mga mali ng Duterte administration at handa siya dahil pinanggigilan na siyang ipakulong ng administrasyon.

Itutulak daw naman nila sa Magdalo ang senatorial candidacy ni Cong. Gary Alejano na aniya ay mahusay, sincere, qualified at war hero, at titindig din sa mga pang-aabuso ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kausap naman umano ng Magdalo para sa pagsasanib puwersa at kowalisyon ang Liberal Party, Akbayan at Tindig Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?